Munting Kaisipan
Mataas ang sikat ng araw at halu-halo ang ingay sa kalsada nang napagpasyahan kong dumaan sa isang tahimik na eskinita. Hindi ko nga lamang akalain na isang batang babae ang makikita ko sa isang sulok, napaliligiran ng tatlong dayuhan. Dinig ko ang mahapding hikbi ng paslit na yakap ang sariling walang saplot. Bagaman may lakas na doble ng akin, desidido kong napatumba ang mga parokyano. Kahit pa kapalit nito’y buhay ko.
Subalit ang batang walang muwang at ang kaniyang inosente’t malinis na puri’y nagawa nang dumihan. Sa kabila niyon, lumapit siya't nagpasalamat saka sa kinilalang bayaning nagligtas ng kaniyang buhay ay nangako na iyon ay gagamitin ng mahusay.
Ngunit pagkalipas ng higit isang daang taon, nakita ko ang parehong babae, sa parehong lugar, bagama't mas angat ang hitsura, hindi niya tinupad ang pangako. Sabik siya sa dayuhan at ibinababa ng kusa ang sarili sa mga tagaibang bayan. Sa ganoong lagay, alam kong tanging siya nalang ang makatutulong sa kaniyang sarili. Tuloy ang tangi kong nagawa’y ibulong sa hangin, “Anong nangyari sayo, Pilipinas?”
Ikaapat ng Marso 2019