20181115

Expired [Katsuwara #5]

『        Expired       』


High school. Ito yung panahong puro kayo bulakbol ng tropa at kung anu-anong kalokohan ang napagtitripan niyong gawin. Sa grupo, sa aming apat, ako ‘yung masasabing pinakalapitin ng babae—at pinakalumalapit sa babae, well.



Aminado ako. Marami akong napaiyak. Bata pa ako no’n, immature, oo. Sa ganung edad, pumapasok ‘yung iba’t ibang uri ng “pagiging lalaki”. Pagandahan ng chix, paramihan ng naging girlfriend, ganun. Maraming galit sa aking babae pero marami pa ring nagkakagusto. Ewan ko ba sa mga ‘to. Halos lahat naman ng naging girlfriend ko, hindi ko naman kasi talaga sineryoso. Pero sa lahat ng iyon, may isang babaeng hindi ko makalimutan. Sa totoo lang, tulad ng iba, hindi ko rin sya sineryoso. Naudyukan at nahamon lang ng tropa dahil ang ilap raw niya sa tao at oo, iyon ang panahong mahalaga sa akin ang ego at ayokong sinasabihang hindi ko kaya ang isang bahay kaya siya ang naiudyok sa akin—bilang babaeng hindi ko raw kayang paamuhin. Isa pa, mukha kasi siyang lalaki—sa pag-aayos at porma. Siya rin lang ang babaeng miyembro ng school band. Drums ang gamit niya.

Isang linggo akong nanligaw. Pumasok ako sa school band kung saan siya miyembro para lang don. At isang linggo lang din kami. Natawa nga ako dahil noong sinagot niya ako, hindi ko malaman kung sincere o sadyang sumasabay lang siya sa plano ko. Nang ngitian ko kasi siya ay tinitigan niya ako ng ilang segundo at saka tinanguan. Nang umakto akong tuwang-tuwa ay saka ko siya unang nakitang tumawa nang may tunog.

Wala naman talagang couple thingy sa pagitan namin. Pero sa isang linggong ‘yon, medyo nasilip kung sino siya. Gitarista ako at siya ang drummer. Kalmado siyang tao. Ni minsan, hindi ko siya nakitang nawalan ng composure. Bihira rin siyang ngumiti. Dahil doon kaya natutuwa na ako tuwing mapapangiti siya. Mabibilang sa kamay ang beses na napangiti ko siya. Ang kakaiba pa, sa mga pinakasimpleng bagay siya natutuwa. Tulad ng pagtugtog ko sa kaniya ng gitarang sinasabayan ng isang lumang kanta o sa simpleng pagkahulog ng mga dahon sa ilalim ng isang punong natatamaan ng sinag ng papalubog na araw. Pero may isang parehong mga pagkakataon ko lang sya noon nakitang ngumiti at tumawa—yung totoo. Yung hindi pinilit. Yung may saya. Yung may kintab ang mga mata.

At ang oras na yon ay tuwing tumutugtog siya ng drum. Kakaiba. Doon ko nasabing napapahanga niya ako. Nasa dugo niya ang musika, yon ang masasabi ko. Apat na beses kaming tumugtog noon sa dalawang linggong nasa banda ako. Nang tanungin ko siya tungkol sa pagngiti nya sa ganong oras lang nilingon lang nya ako at kinunutan ng noo saka tinanong, ‘ano bang dahilan ng pagpasok mo sa banda?’. Hindi ko maintindihan noong sinabi niya sa akin iyon. Huli na nang marealize ko na ibig nyang sabihin, mahal niya ang musika. At yon ang dahilan kung ba’t sya nangiti. Inaakala nyang ganon din ang dahilan ko kaya sinagot niya ng tanong. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o mahihiya dahil sa totoo lang, siya ang dahilan ng pagpasok ko don—o mas tamang sabihing dahil sa udyok ng ego ko na mapasagot siya ang dahilan.

May pagkalalaki siyang kumilos sa totoo lang. Sa aming dalawa, mukhang mas may arte pa ako sa katawan. Nakakatawang may isang beses na niyaya ko siyang lumabas at ako iyong nakapormang pinares sa kwintas at isang hikaw sa kanan samantalang dumating siya nang naka black t-shirt, maong at ni walang alahas kundi isang gitarang nakasukbit sa likuran niya sa ilalim ng buhok na itinali niya ng pang-isahan. Natatawa ako pero sa tuwing gagawin ko, kukunutan niya ako ng noo. Pero hindi magtatanong kung bakit. Kung bibiruin ko naman siya ay imbes na mainis, ngingiwian lang niya ako. Wala rin naman talagang gaanong alaala sa pagitan namin bukod doon. Nang medyo makilala siya, nawalan ako ng mahanap na dahilan kung bakit niya nga ba ako sinagot—wala sa personalidad niya ang nagsasabing magkakagusto siya sa tulad kong masyadong sociable, maingay, maloko, babaero. Sa totoo lang, alam ko sa sarili kong napahanga nya ako sa kakaibang personalidad niya. Hindi nga lang sapat ang dahilang yon para ipagpatuloy ang kalokohang relasyon namin. Hindi ko siya gusto, yon ang sa akin. Pero nung araw na nakipagbreak ako, siya lang ang naiiba. Dahilan yun para magduda ako sa sinabi ko.

Hindi siya sumagot sa akin noong sabihin ko ang dahilan ng panliligaw ko sa kaniya. Tinitigan niya lang ako—diretso sa mata, tagos sa dibdib. Parang sa aming dalawa, ako pa ang kinabahan. Seryoso na naman ang mukha niya gaya ng nakasanayan ko na. Blangko ang mata. Ilang segundo siyang nakatitig sa akin. Hindi bumuntong-hininga, hindi nag-iwas ng tingin, hindi nangunot ang noo at nanatiling blangko lang. Higit sa lahat, hindi nagsalita. Tahimik lang siyang tumango. Isang simpleng tango. Alam mo ‘yung tangong ginagawa mo kapag nakakakita ka ng tropa sa daan? Ganun. Ganun siya kakaswal. Saka niya ako nakapamulsang tinalikuran.

Nakakaloko. Hindi ko alam pero parang ako ‘yung talo. Halos lahat ng babaeng dumaan sa buhay ko bago siya, siya lang ‘yung hindi nag-eskandalo. Hindi nagmakaawa gaya ng inaasahan ko. Hindi nakipag-usap. Hindi umiyak. Hindi nakapagdramahan. At ‘yon ang unang beses na wala akong narinig na kahit ano mula sa babaeng hiniwalayan ko. Napatanong ako sa sarili ko matapos noon—kung hindi rin ba niya ako sineryoso? Dahil sa ginawa niya, nalito ako kung sino ba sa amin ang naglaro.

Hindi ko na siya nakita pagkatapos nun. Umalis na rin ako sa banda. Pero sa tuwing maalala ko ‘yon, ang lakas pa rin ng impact sa ego ko. At paulit-ulit akong nakakaramdam ng hiya sa hindi ko malamang dahilan. Kasi ‘yung iba kong kagaguhan, tinatawanan ko nalang. Pero ‘yung isang ‘yon, ayokong alalahanin dahil nararamdaman ko pa rin ‘yung hiya. At guilt. Dahil yung mga maling ginawa mo na hindi ka nakatanggap ng kahit anong galit at masamang salita ang pinakamabigat sa loob.

May trabaho na ako nang magkita ulit kami. Sa isang kasal ng isang kaibigan. Malayo siya pero mayroon sa aking siniguradong siya nga iyon. Mayroong epektong hindi ko maintindihan pero bago. May sabik na hindi dahil sa tagal ng hindi pagkikita at hindi rin naman bunga ng isang malalim na paghanga. Basta, ang alam ko, siya iyon. Malaki sa parte ko ang nagulat. Para bang hindi ako handa? Nakakatwang sa isang tulad kong lalaki manggaling iyon. Babaeng-babae siya dahil sa suot niya. Isang puting bestidang palobo. Nakalugay din ang itim at alon-alon niyang buhok. May manipis na kolorete sa mukha. Walang kahit ano sa buhok maliban sa parang mga kristal na ginamit na parang headband. Siya yung kakanta. Sa highschool, hindi ko siya ni minsan narinig kumanta. Kaya aaminin ko, na-excite akong malaman. Naexcite akong marinig ang boses niya.

Ang lamig sa pakiramdam. Yung boses niya ang tipong masarap pakinggan. Walang kurba, simpleng tono ng kanta. Napakanatural. At nakakatwang isipin pero kahit halos walang ekspresyon o emosyon ang mukha niya habang kumakanta, kahanga-hanga yon sa akin. Hindi iyong mensahe ng kanta ang tumatak sa akin. Kundi iyong malaking pagkakapareho ng boses niya at ng personalidad. Ang lamig pero kalmado. Blangko pero masasabing may emosyon. Masyadong kontra pero iyon ang mga tamang paliwanag.

Sa reception, hinanap ko siya. Nang magtanong ako, nauna na. Natawa ako sa sarili ko. Dahil alam ko, mismo ako, siya talaga yung tipong aalis sa ganoong salu-salo kahit pa kilala niya ang ikinasal. Hindi niya ugaling makihalubilo.

Hindi ko alam kung anong meron. Anong dahilan kung ba’t ko siya gustong makausap? Pero malaki sa parte ko ang nagsasabing dahil ‘yon sa nagawa ko sa kaniya. Sa panglolokong pustahang naudyok ng tropa. Gusto kong.. Parang gusto kong bumawi? O humingi ng tawad. O siguro sadyang gusto ko lang siyang makausap. Malaman kung anong bago sa kaniya.

Kinuha ko ang number niya sa kakilala. Pero isang araw ko lang yong tinitigan sa cellphone ko. Nag iisip ng tamang dahilan para kausapin siya. Bakit nga ba? Wala na kaming koneksyon. Wala akong maisip na dahilang pwedeng sabihin kung bakit gusto ko siyang makausap. Ni ako, sa sarili ko, hindi makapa sa dibdib ko ang eksaktong rason. Guilt nga ba? Paghingi ng tawad. Hindi ko alam. Kaya ano pang masasabi kong dahilan sa pagtawag sa kaniya? Kalimutan ko nalang ba?

Pero sadya yatang tadhana ang gustong maglapit ulit kami. Dahil kinabukasan lang, nang lumipat ako ng apartment, nakita ko siya sa isang flower shop. Natawa ako. Para lang siyang pinatandang version pero ganoon pa rin. Naka-t shirt at naka-jeans. Parehas na itim. Nakatali ulit ang buhok. Ilang beses akong nag-isip bago siya lapitan. Anong sasabihin kong dahilan? Sa huli, hindi ako tumuloy. Tuwing papasok ako sa hospital, nakikita ko siya sa flower shop na ‘yon. Paulit-ulit. Lalabas ako at makikita siya doon. Napansin ko na nga lang na ulo ko na ang kusang lumilingon para hanapin siya sa parehong puwesto tuwing lalabas ng pinto. Isang linggo bago ako naglakas loob na lumapit.

“H-Hey. Long time no see.” Gusto kong sapakin ang sarili ko! Anong kalokohan ‘yon? Mukha akong torpeng di makaporma. Ni hindi ko siya nagawang tingnan ng diretso sa mata.

Tiningnan niya ako. Napaiwas ako ng tingin. Hanggang sa tumango siya. Walang reaksyon o bayolenteng emosyon. Nag-abot siya ng pera sa nagtitinda bago lumingon siya sa akin.

“Nagkita lang tayo sa kasal ah?”

Gusto kong mapamura. Kung anu-ano kasing sinasabi ko eh. Alanganin nalang akong tumawa at sinabing ‘oo nga pala’. Hindi siya nakitawa—o ni ngumiti. Gaya kung paano siya kahit noon. Bagay na lalong nagpailang at nagpahiya sa akin. Kinunutan lang niya ako ng noo at nginiwian na parang ang wirdo ko. Nang maiabot sa kaniya ang bulaklak na hinihingi niya, sinulyapan niya ulit ako at tinanguan saka sinabing mauuna na sya. Pero tinawag ko siya ulit kaya napalingon siya.

“Papunta ka dyan sa may sementeryo?” Tanong ko at tinuro ang direksyon papunta sa sementeryong di kalayuan. Base sa bulaklak kasi na binili niya, mukhang oo.

Tumango siya.

“Sasabay na ako.”

Tiningnan niya ako nang nagtatanong.

“May bibisitahin.” Dugtong ko.

Tahimik lang kami habang naglalakad. Walang nagsalita. Tanging mga yabag. Hindi ko alam kung anong sasabihin. Nag-iisip ako ng pwede. Naiilang akong tahimik. Pero mukha naman syang kalmado. Walang pakialam. Diretso lang ang tingin niya sa daan. Kunsabagay, palagi naman na siyang ganiyan. Gusto kong mapangiti.

Umabot kami sa sementeryo. Sumunod lang ako sa kaniya hanggang sa may hintuan siyang puntod. Sa pangalan, alam kong lalaki—kaapelyido niya. Hindi pa ako nagtatanong, sinabi na niyang kapatid niya. Napatango lang ako. Wala akong maisip sabihin. Hindi ko alam kung ano nga bang tama sa sitwasyong ‘yon. Hanggang sa magtanong siya.

“Akala ko ba, may bibisitahin ka?”

Doon ako napa, ‘ha?’. Ilang beses na umikot ng tingin sa paligid. Parang may makukuhang rason doon. Wala pa namang patay sa pamilya ko. Hindi ko alam kung sinong sasabihin. Lolo ko nalang kaya? Patay naman na ‘yon. Agh, napakagat ako ng labi dahil tumagal ang segundong wala akong nasagot. Napalingon ako sa kaniya nang tumawa sya.

“Okay lang ako.”

Napa, ‘ha?’ na naman ako. Tumingin siya sa kulay asul na langit bago ako sinagot.

“Wala naman. Parang gusto mo kasing mangumusta.” Nilingon niya ako. “Ikaw ba?”

“Okay lang din naman. Resident na ako sa isang hospital. Ikaw? Kamusta ang mga dating kabanda mo?”

Tinwist niya ang labi niya bago sumagot. “Nagkakasama-sama pa rin kami taon-taon.”

Doon naging kaswal ang usapan. Humaba nang humaba nang hindi ko namamalayan. Natural at totoong kami. Totoong ako. Walang tinatagong agenda. Walang panlalandi. Walang pambobola. Kami lang. At masasabi kong.. nalaman ko ang pagkakaiba ng ngiti niya noong sinusubukan ko siyang ligawan at ngayon na tapos na kami—mas natural ang ngayon. Ni hindi sumagi sa isip kong ibalik ang high school namin. Dahil ayokong sirain ang pagkakataong iyon. Ang makita ang isa pang bahagi niya.

Nauna siyang tumayo at nagpagpag ng suot niya. “Tara na.”

Tumayo na rin ako. “Babalik ka ba dito bukas?”

Nilingon niya ako at pinaningkitan ng mata. Naintindihan ko ang tinging iyon. Napaiwas ako ng tingin dahil ang bilis niyang pumick-up. Wala akong nagawa kundi ang klaruhin ang iniisip niya. “Madalas kitang makitang nabili ng bulaklak sa flower shop na ‘yon.”

Doon siya sumagot. “Oo. Bumabalik ako dito kada makalawa.”

Tumawa ako at nagbiro. “Hindi kaya maging bahay mo na ‘to?”

Nakisabay siya. “Tingin ko nga, magiging bahay ko na ‘to.”

Dahil sa magaan na usapang ‘yon, napadalas ang pagsama ko sa kaniya. Mas nakakwentuhan. Sa una ay sa sementeryo lang hanggang sa paminsan-minsan ay naaaya ko siya. Unti-unting nag-iba ang dahilan kung bakit ko na siya gustong makausap—hindi nalang para humingi ng tawad, hindi nalang para linisin ang konsensiya ko. May iba pa. Na ayokong kilalanin. Dumating sa puntong nagtanong siya kung may agenda na naman ba ako. Pero hindi niya ako pinasagot. Tinawanan lang niya ako at sinabing hindi na niya ako kayang sagutin. Naiintindihan ko ang sagot niya. Gusto kong ibalik ang usapan sa high school. Gusto kong linawin. Gusto kong magtanong. Gusto kong humingi ng tawad. Pero hindi niya na hinayaang bumalik doon. Iniwas niya agad. Inilayo. Ayaw pag-usapan.

Nakasanayan ko na. Sa halos magtatatlong buwan na yon, may isang petsang alam kong hindi niya pinapaglagpas para bisitahin ang kapatid niya. Pero nang dumating ako doon, hindi ko siya nakita. Hindi ko maintindihan noong una. Ilang oras akong naghintay. Hanggang sa kinailangan ko nang bumalik sa hospital.

Sa isang lugar na ni minsan ay hindi ko siya ginustong makasama.

Sa isang kwarto. Nanigas ako nang makita sya doon. Lalo na nang maassign akong i-check siya. Doon ko nakita ang chart niya. Parang nakalimutan kong lumunok. Parang tinakasan ako ng boses. Binalot ako ng lungkot pero walang paraan para umiyak. Parang tumahimik nalang. Nawalan ng kulay. Nawalan ng tunog. Huminto ang oras sa pagkakataong naramdaman ko ang pagbalot ng malawak na sakit sa maliit kong dibdib. Pamilyar ako sa sakit na ‘yon. At alam ko ang estado niya. Kaya pala hindi halata. Kaya pala hindi ko napansin. Kahit ganito kabigat ang klaseng sakit na meron siya.

Hindi ang puntahan siya ang una kong naisip. Kundi ang konsultahin ang doktor niya. Para siguraduhin ang plano ko. Sunod nalang na alam ko, nasa loob na ako ng kwarto niya. Nakatayo sa harap niya habang mahimbing siyang natutulog. Hinahanap at isinasaayos ang mga salita sa isip ko para masabi ng buo sa isang talata. Hindi ako makabuo ni isang pangungusap. Hanggang sa dumilat siya at makita ako. Isang salita lang ang nasabi ko—bakit?

Ngumiti siya. Yung natural na kalmado at tipid niyang ngiti. “Hindi naman na kita boyfriend para ipaalam sa ‘yo, hindi ba?” Tumingin siya sa babasaging bintana kung saan nanggagaling ang liwanag ng papalubog na araw. “Natatandaan mo ba ang sinabi ko? Magiging bahay ko rin ang puntod na ‘yon.” Doon ko nasilip ang bintana sa mga mata niya. Hindi singkalmado. Madilim at tahimik. Binalot ng lungkot. Nagkukumawala sa kalabisan. Sobra-sobra pero pilit na isinasara.

“Kahit bilang kaibigan, hindi mo nasabi sa akin?”

Dahan-dahan niya akong tiningnan. “May magbabago ba?”

Lumunok ako. Sa salita niya ipinadaan ang lungkot na nakapaloob sa parati niyang kalmadong boses. Sa tonong hindi naman mataas pero tumatagos. Sa boses na binabalot ng lamig. At alam ko, sa mga oras na ‘to epektibo ang dahilan para kilalanin ang namumuo kong nararamdaman—o maling sabihing namumuo. Dahil kung kailan pino na, kung kailan solid na, saka naging huli para pigilan. Huli para bawiin.

“I’m offering my heart.” Nakausap ko na ang doktor niya. At match ako sa kaniya.

Napakunot-noo siya. Saka dahan-dahang umiling.

“Figurative and literal.” Yumuko ako—kasabay non ang pagbagsak ng kanina ko pa pinipigilang luha mula sa mga mata ko. Isang huling lunok bago ako naging sigurado. Isang huling pagpikit bago tuluyang alalahanin ang lahat ng maiiwan. Isang huling buntong-hininga bago sabihin ang napagdesisyunan na. “I’ll be your heart donor.” Kahit mababa ang tiyansa, kahit malabo ang resulta, kahit anong kahit ang mayroon, buo ang loob ko.

Hindi ko siya hinintay sumagot. Tumalikod na ako at ginustong iwan ang kwartong ‘yon. Hindi awa, hindi konsensya, hindi guilt—wala sa mga iyon ang dahilan kung bakit handa akong ibigay sa kaniya ang akin. Dahil sa pagkakataong ‘to, alam kong dahil ‘yon sa mas malalim na emosyong sasapat para ialay ang buhay ko. Emosyong katumbas ng buhay niya at lumalagpas sa akin. Pagbukas ko ng pinto, parang doon lang siya nakabawi. Doon lang siya nakapagsalita. Doon niya ako pinigilan.

“Hindi ka ba magtatanong tungkol sa nakaraan?”

Napakunot-noo ako. Sa nakaraan?

“Pasensya na. Hindi ko nasabi ang tungkol sa sakit na ‘to kahit noong tayo pa.”

Dahan-dahan akong napaharap sa kaniya.

“Dahil sa totoo lang, alam ko ang pustahan ninyo ‘yon. Kaya alam ko ring wala kang magiging pakialam.”

“Not anymore.” Tumalikod na ako at binuksan ang pinto para pumunta sa doctor niya. Sigurado na ako... nang magsalita siya ulit.

“Sa mga nakaraang mga taon, natuto akong tanggapin ang kamatayan. Hindi mo kailangang putulin ang sayong marami pang patutunguhan para sa aking matagal na 'tong pinaghandaan.”

Hinarap ko siya. Huminga ng malalim at nagsalita. “I’ve changed my mind then.” Ngumiti ako. “I’ll find every single way to give you a heart. To make it beat the same rhythm as mine. That’s when I’ll say everything I kept. And every single thing to give you a will to live.”

Hindi siya sumagot. Instead, isang ngiti lang ang ipinakita niya. Isang ngiti na hindi ko alam kung saan naglalaro—sa pagpapasalamat o sa pagsuko sa kagustuhan ko. Pero wala akong oras para doon. Ang kailangan ko ay mabigyan siya ng kailangan niya. Lahat ng paraan. Lahat ng maaari. Lahat para sa kaniya.

Pero mapaglaro yata talaga ang tadhana. Dahil kinabukasan lang non, nang pumasok ako sa kuwarto niya, binalot ako ng malamig na hangin. Hangin na singlamig ng kaniya. Ayokong libutin ng tingin ang paligid. Wala siya doon at ayokong kilalanin ang ideyang nagsusumiksik sa isip ko. Ayoko. Ako ang pinakahuling taong gusto siyang makita ng mga oras na ‘yon. Hindi kayang tanggapin ng sistema ko. Ni hindi kayang bumuo ng salita ng bibig ko. Ni hindi kayang tumulo ng mga luha ko. Walang marinig, walang maintindihan.

Pero nang makita ko siya, doon naghalu-halo yung pinigil ko. Doon sumabog. Doon nailabas. Nakapikit siya pero hindi na tulad tuwing aamuyin niya ang bulaklak o papakiramdaman ang mga nahuhulog na dahon. Malamig siya pero hindi tulad ng lamig niyang may mainit na emosyon. Blangko ang mukhang tinakasan ng kulay at walang paraan para bigyang liwanag. Kalmadong tingnan at tahimik siyang nakahimlay. Pero hindi ganoon ang sistema sa loob ko. Nagwawala at magulo. Wala sa ayos at maingay. Ito ba ang tinatawag nilang karma? Bakit sobra-sobra naman yata? Siguro ay dahil sa di mabilang na pusong nabasag ko kaya ang sa hindi mapantayan ang halaga ang kinuha? Wala akong nagawa ng mga oras na ‘yon. Kundi ang umiyak na parang bata, walang pakialam sa nakapaligid. Parang ngayon ko naintindihan ang ngiti niya—ngiting nagpapasalamat pero alam niyang wala nang mababago pa. Ni hindi ko nasabi ang emosyong kinilala ko na. Ni hindi ako nakahingi ng tawad na mula umpisa ay pinlano ko na. Sobra-sobra.

Sa pagyakap ko sa kaniya, nakita ko ang isang sulat na hawak niya. Sa mahinang kamay, sa papaubos na tinta, sa mababaw na pagsulat, sa natural niyang sulat-kamay, nasagot niya ang isa sa pinakamalaking bakit na bumagabag sa buong buhay ko.

‘Hindi dahil sa hindi kita mahal kaya kita hindi pinigilan noon. Kundi dahil sa mahal kita kaya kita hindi pinigilan. Ganoon din ang rason ngayon. Minahal kita at mahal kita, Neon. Please live happily—something I knew you will never get from me whose expiration date has already been decided even when we were together.’

Bakit ganito?

Hindi patas. Ni hindi ko man lang nasabi sayong mahal kita, Nadia.


COMPLETELY FICTIONAL.
One-shot story of Neon Nathan “Nate/Neon” Katsuwara & Maria Sofia Nadine “Nadia” De Castro entitled, "Expired".