Pagkokolehiyong ‘Di Maibigay
“Kayo’y hanggang mataas na paaralan lamang,”
Hanggang ngayo’y malinaw ang alaalang,
Minsang naging dahilan upang kamuhian ka,
Ng mura kong isipang pinuno mo ng pagtataka.
Ang paghihirap na tayo’y sumasailalim ay batid ko
Ngunit di mapigil itanong, bakit ika’y di tulad ng iba?
Kahit hirap, nais nila’y anak na mapagtapos ng kolehiyo,
Pito kaming supling na ni Ina ay isinilang
Ngunit kayong itong uri ng mga magulang
Minsa’y ni isa sa amin ay hindi ninyo ninais
Na matikman ang kolehiyong kay tamis.
Puno ako ng tanong, bakit ama ikaw ay ganoon?
Sa kolehiyo ay tumungtong, tanging nais ko mula noon.
Na ani mo’y papayagan, ngunit hindi susustentuhan.
Dahil saiyo, kami’y hanggang sa mataas na paaralan lamang
Sa aking pagtanda, isang reyalisasyon ang nagbunga.
Kung ano ang tama—sa paningin mo bilang ama.
Tayo’y hikahos, walang yamang maipagmamalaki.
Ngunit iyong ibinuhos, paghihirap para saming paglaki.
‘Di ka tulad ng ibang magulang, tama ako.
Ayaw mong isa lamang ang magtapos ng kolehiyo.
‘Di tulad ng iba na sa nag iisang nagtapos iniaasa,
Ang pagtulong sa pag aaral ng mga nakababata.
Di tulad ng iba, nais mong pag aralin kaming lahat.
Kaming lahat gamit ang iyong pawis at paghihirap.
Sapagkat sa simula palang ay batid mo,
Hindi mo kaya sa aming lahat ang kolehiyo.
Kung kaya’t ang ibinigay mo ay pantay-pantay.
Na siyang gamit ang sarili’y tangi mong maiaalay.
Naiintindihan ko na, ama. Ika’y di gaya ng iba.
Ang bigat ay ayaw mong ibigay lamang sa una.
Gamit ang iyong sariling lakas, inihanda mo kami sa wakas
Hindi lang isang nakapagkolehiyo ang makatutulong
Iyon ang nais mo, tama ba itong ang tanong?
Kung kaya’t lahat kami ay binigyang pinag-aralan,
Na sasapat para ang isa’t isa’y matulungan.